PRESS RELEASE – May 30, 2024
Click here for the Press Release in English.
COTABATO CITY- Makatatanggap ng mas maraming oportunidad pangkabuhayan and mga residente ng anim na pangunahing kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa pagpapatayo ng mga bagong sosyo-ekonomikong imprastraktura.
Noong Mayo 30, idinaos ang ground-breaking ceremony para sa pagpapatayo ng agricultural warehouse na may solar dryer at business center sa Brgy. Dungguan, Datu Montawal, Maguindanao del Sur. Ang aktibidad ay sinaksihan ng mga kinatawan ng Local Government Units (LGUs), Gobyernong Bangsamoro, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at co-chairs ng Joint Task Forces on Camps Transformation (JTFCT) mula sa panig ng Gobyerno at MILF.
May kabuuang 26 na sosyo-ekonomikong imprastrakturaang ipatatayo sa 12 na barangay sa loob ng anim na kampo ng MILF – Abubakar, Badre, Bilal, Bushra, Omar, at Rajahmuda.
Nagpahayag ng optimismo ang mga miyembro ng komunidad ng nasabing lugar sa mga proyektong ipapatayo sa kanilang lugar. Ibinahagi ni Alvin Montawal, 31 taong gulang, isang magsasaka at presidente ng Kadingelan Agriculture Cooperative, na ang proyektong ipatatayo sa kanilang komunidad ay magdadala ng pag-asa at magandang pagbabago sa kanilang lugar.
Dagdag pa niya, “Nakikita ko ang magandang idudulot ng proyektong ipapatayo sa aming barangay, lalo pa at pagsasaka ang pangunahing trabaho dito ng mga tao. Hindi na kami pupunta sa karatig lugar para sa pagbibilad ng aming mga agricultural products.”
Para naman sa mga kababaihan at mga kabataan, naniniwala sila na ang pagpapalawak ng kanilang pinagkukunan ng kita ay makapagtatatag ng kanilang kabuhayan. Magiging malaking tulong sa kanila ang pagpapatayo ng multi-purpose development center na may solar power dahil iIlan sa kanila ay nagsimula na ng kanilang mga food processing business, handicrafts, buy-and-sell ng mga apparel, at retail internet na maari nilang maipresenta at ibenta sa nasabing center. Maari din silang magsagawa ng mga trainings sa loob ng nasabing pasilidad.
Ang suportang ito sa mga komunidad ng MILF ay bahagi ng implementasyon ng Bangsamoro Camps Transformation Project (BCTP) na inilunsad noong July 2023 at iniimplementa ng BDA Inc. katuwang ang Community and Family Services International (CFSI), sa pagpopondo ng multi-donor Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF). Sa pagpapaunlad ng normalization sa mga nasabing kampo ng MILF, and BNTF ay suportado ng Australia, Canada, European Union, at United Kingdom, na pinangangasiwaan ng World Bank.
“Sa layuning mas mapataas pa ang access sa socio-economic services at basic infrastructure sa mga komunidad sa mga kampo ng MILF, bahagi ng implementasyon ng proyekto ang paglinang sa kakayahan ng mga target beneficiaries tulad ng mga kooperatiba ng magsasaka at transitioning combatants, mga kababaihan at mga kabataan at mga katutubo,” ani ni Noraida Abdullah Karim, Director for Mindanao Programme ng CFSI.
Maliban sa pagpapatayo ng mga sosyo-ekonomikong imprastraktura, parte rin ng proyekto ang pagpapaunlad sa kapasidad at kakayanan ng mga myembro ng kooperatiba at iba pang mga grupo sa komunidad upang matiyak ang sustainability ng mga imprastraktura at mga ibabahaging machineries.
“Ang gusto ko pong ipaliwanag dito ay ang Bangsamoro Normalization Trust Fund. Ito po ay kasama sa kasunduan ng Gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front na kung sakaling may mga sitwasyon na hindi sapat ang pondo na manggaling sa Gobyerno ng Pilipinas, magkakaroon po tayo ng Bangsamoro Normalization Trust Fund para po yung mga areas that require funding, doon po natin mahuhugot sa BNTF. Ang pondo po ay kailangan sa normalization,” ani ni Mohagher M. Iqbal, Chairman ng Peace Implementing Panel.
Sa tulong ng BDA at CFSI, naisagawa ang Landscape Planning na kung saan malugod na ibinahagi ng mga kalahok sa komunidad ang dulot na kalinawan sa pag intindi ng kasalukuyang katayuan ng mga komunidad na ito. Nakita sa proseso ng Landscape Planning ang mga potensyal na sakuna o kadelikaduhan (hazard), ang iba’t ibang gamit ng kanilang mga lupain, mga imprastraktura na mayroon sa komunidad na maaari pang magamit ng wasto, at iba pang mga oportunidad na maaaring makabuti sa komunidad kung mayroong proper planning.
“Ang proyekto ay community-driven development na kung saan ang komunidad ang magpapasya kung ano ang kanilang kakailanganing mga proyekto na mapipili sa loob ng community-wide orientation,” wika ni Kadafy Sinulinding, Project Coordinator ng BCTP mula sa BDA.
Kaagapay ng proyekto ang Gobyernong Bangsamoro sa pamamagitan ng Technical Working Group na binubuo ng Cooperative and Social Enterprise Authority (CSEA), Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR), Ministry of Trade, Investment and Tourism (MTIT), Ministry of Science and Technology (MOST), Ministry of Social Services and Development (MSSD), Ministry of Health (MOH), Bangsamoro Women Commission (BWC), Bangsamoro Youth Commission (BYC), Ministry of Public Works (MPW), Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA), Ministry of Interior and Local Government (MILG), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), Bangsamoro READi, Ministry of Health (MOH) at Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE). Katunayan, matagumpay na naisagawa ang pangalawang pagpupulong ng grupo noong May 28, 2024 sa Cotabato City.
Ang BCTP ay pinangungunahan ng Project Board (PB) na ang nakatalagang Co-Chairs ay sina Lt. Gen. Danilo G. Pamonag sa panig ng Gobyerno ng Pilipinas at Member of Parliament Hon. Ali O. Salik sa panig naman ng MILF. Kabilang sa miyembro ng Project Board ay sina Member of Parliament Baintan A. Ampatuan, Mr. Mohaimen Usman at mga representatives ng Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), BDA at CFSI. And World Bank ang nagsisilbing PB observer.
Ang BCTP ay ipinatutupad bilang suporta sa normalization efforts sa mga kampo ng MILF. Ito ay isa sa mga proyekto na pinopondohan ng Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF), na mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Australia, Canada, European Union at United Kingdom na pinangangasiwaan ng World Bank.
For more information, please contact:
Noraida Abdullah Karim
Director for Mindanao Programme, CFSI
0917-844-4773, nakarim@cfsi.ph
Kadafy Sinulinding
BCTP Project Coordinator, BDA Inc.
0906-364-3661, kadafy_1983@yahoo.com.ph