PRESS RELEASE – 29 November 2023

Click here for the Press Release in English.


COTABATO CITY– Isunusulong ng proyektong Bangsamoro Camps Transformation Project (BCTP) ang pagkakaroon ng mapayapa, produktibo at matatag na komunidad sa 12 barangays sa Bangsamoro sa pamamagitan ng pamamahagi ng diverse at sustainable na livelihood projects.

Inilunsad ang BCTP noong July 4, 2023 at ito ay iniimplementa ng Bangsamoro Development Agency (BDA Inc.) katuwang ang Community and Family Services International (CFSI) sa pagpopondo ng Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF) na pinangangasiwaan ng World Bank.

“Sa layuning mas mapataas pa ang access sa socio-economic services at basic infrastructure sa mga komunidad sa mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), bahagi ng implementasyon ng proyekto ang paglinang sa kakayahan ng mga target beneficiaries tulad ng mga kooperatiba ng magsasaka at transitioning combatants, mga kababaihan at mga kabataan at mga katutubo,” ani ni Noraida Abdullah Karim, Director for Mindanao Programme ng CFSI.

Magiging parte rin ng proyekto ang pagpapaunlad sa kapasidad at kakayanan ng mga tauhan at empleyado ng BDA Inc., kasama na dito ang Joint Task Forces on Camps Transformation (JTFCT) camp level coordinators ng MILF, sa pamamgitan ng iba’t ibang trainings na pangungunahan ng CFSI at World Bank.

“Ang proyekto ay community-driven development na kung saan ang komunidad ang magpapasya kung ano ang kanilang kakailanganing mga proyekto na mapipili sa loob ng community-wide orientation,” wika ni Kadafy Sinulinding, Project Coordinator ng BCTP mula sa BDA.

Kamakailan lamang, naisagawa ang orientation sa Brgy. Minabay, Buldon, Maguindanao del Norte sakop ng Camp Abubakar. Napili at nagpasya ang grupo ng mga magsasaka at transitioning combatants ang pagpapatayo ng warehouse na may kasamang solar dryer. Naniniwala ang mga ito na malaki ang maitutulong sa kanilang komunidad ng nasabing proyekto sapagkat niyog at mais ang kanilang mga pangunahing produkto.

Para naman sa mga kababaihan at mga kabataan, naniniwala sila na sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang klase ng tinapay ay magiging matatag ang kanilang pang-araw araw na kita, kasama na dito ang pagkakaroon ng multi-purpose development center na mayroong solar power.

Sa kasalukuyan ay halos patapos na ang mga pangunahin aktibidades sa loob ng 12 komunidad na napili. Kabilang dito ang Landscape Planning na kung saan malugod na ibinahagi ng mga kalahok sa komunidad, lalo na ang mga miymebro ng JTFCT sa loob ng kampo, ang dulot na kalinawan sa pag intindi ng kasalukuyang katayuan ng mga komunidad na ito. Nakita sa proseso ng Landscape Planning ang mga potensyal na sakuna o kadelikaduhan (hazard), ang iba’t ibang gamit ng kanilang mga lupain, mga bagay na mayroon sa komunidad na hindi nagagamit ng wasto, at iba’t iba pang mga bagay na maaaring mapakinabangan ng komunidad sa pamamagitan ng tama at wastong pagpaplano.

Samantala, kaagapay din ng proyekto ang Gobyernong Bangsamoro sa pamamagitan ng Technical Working Group na binubuo ng Cooperative and Social Enterprise Authority (CSEA), Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR), Ministry of Trade, Investment and Tourism (MTIT), Ministry of Science and Technology (MOST), Ministry of Social Services and Development (MSSD), Ministry of Health (MOH), Bangsamoro Women Commission (BWC), Bangsamoro Youth Commission (BYC), Ministry of Public Works (MPW), Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA), Ministry of Interior and Local Government (MILG), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), BARMM READi, Ministry of Environment at Natural Resources and Energy (MENRE). Katunayan, matagumpay na naisagawa ang unang pagpupulong ng grupo noong October 12, 2023 sa Cotabato City.

Kamakailan lamang, isinagawa ang 1st Implementation Support Mission (ISM) na pinangungunahan ng World Bank kasama ang BDA at CFSI sa dalawang barangays ng Brgy. Mamaanun sa Balo-I, Lanao del Norte at Brgy. Sapad sa Matanog, Maguindanao del Norte. Inaasahan ding maisagawa ang technical validation sa mga napiling proyekto sa mga susunod na araw.

Ang BCTP ay pinangungunahan ng Project Board (PB) na ang nakatalagang Co-Chairs ay sina Brig. General De Mesa sa panig ng Gobyerno ng Pilipinas at Member of Parliament Hon. Ali O. Salik sa panig naman ng MILF. Kabilang sa miyembro ng Project Board ay sina Member Parliament Baintan A. Ampatuan, Mr. Mohaimen Usman at mga representatives ng Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), Bangsamoro Development Agency (BDA) at Community and Family Services International (CFSI).  Noong Oktubre 11, 2023, naganap ang unang pagpupulong ng Project Board kung saan ay matagumpay na naindorso ang labing dalawang (12) napiling barangay sa loob ng anim (6) na major camps ng MILF.

Ang BCTP ay ipinatutupad bilang suporta sa normalization efforts sa mga kampo ng MILF. Ito ay isa sa mga proyekto na pinopondohan ng Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF), na mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Australia, Canada, European Union at United Kingdom na pinangangasiwaan ng World Bank.